Sa April 8 sisimulan ang transition of service kung saan ang mobile application ng Grab ang siyang gagamitin para sa merger ng nasabing mga internet-based transport system.
“The combined services of Grab and Uber signals a wider network of TNVS drivers and passengers and improved ridesharing services,” paliwanag ni Brian Cu, Country Head ng Grab Philippines.
Dahil sa mas malaking fleet, sinabi ni Cu na mas magiging maiksi na ngayon ang waiting time ng mga tumatangkiling ng transport network vehicle service (TNVS) sa ilang mga lugar sa bansa partikular na sa Metro Manila.
Ipinagmalaki rin ni Cu na dahil mas magiging maiksi ang booking at waiting time ito ay mangangahulugan ng mas murang pamasahe.
Sinabi rin ng Grab Philippines na maglalabas sila ng ilang loyalty programs para sa mas mabilis na cashless transactions at real-time tracking para sa mga parcels.
Mangangahulugan rin umano ito ng mas malaking kita para naman sa kanilang mga driver-partners dahil sa mga isinaayos na mekanismo para sa pinagsamang serbisyo ng Grab at Uber.
Bukod sa Pilipinas, sakop rin ng takeover ng Grab ang operasyon ng Uber sa Myanmar, Cambodia, Thailand, Malaysia, Singapore, Vietnam at Indonesia.
Inanunsyo rin ng Grab ang paglulunsad nila ng GrabFood sa bansa para sa mga maliliit na negosyante sa food business at ang pagpapalakas sa GrabPay mobile wallet bilang isang financial service platform.