Humarap sa 5th Division ng Sandiganbayan ang state witness na si Ruby Tuason kaugnay sa bail hearing ni Senador Jinggoy Estrada at idinetalye ang kanyang mga nalalaman sa pagtanggap umano ng mambabatas ng mga komisyon na may kaugnayan sa Pork Barrel Scam,
Sa testimonya ni Tuason, sinabi nito na nagsimula silang bumuo ng transaksyon ni senador Jinggoy nang makilala niya ito noong 2004.
Nang malaman aniya ni Janet Lim-Napoles na siya ang dating social secretary ni dating Pangulong Joseph Estrada, naging interesado na ito na makilala ang anak ni Erap na si Jinggoy.
Sinabi pa ni Tuason na tinawagan siya ng deputy Chief of Staff ni Jinggoy na si Pauline Labayen at humiling na makipag-deal kay Napoles sa 37.5 milyong pisong PDAF ng senador.
Dito na nagsimula ang kanilang mga transakyon at pagtanggap ng mga kickback mula sa pork barrel ni senador Jinggoy kung saan, ang unang batch ay umabot sa 1.5 million pesos na idineliver niya bilang advance sa bahay nito sa Greenhills, San Juan.
Nasundan ito ng 4.2 milyong pisong kickback bilang advance commission ng mambabatas sa pag-release ng Special Allotment Release Order (SARO) mula sa Budget Department.
Samantala, Muling nanindigan si Senador Jinggoy Estrada na wala siyang kinalaman sa mga alegasyon ng testigong si Ruby Tuazon na tumanggap siya ng komisyon mula sa mga bogus na NGO ni Janet Lim-Napoles.
Sa panayam ng media matapos ang pagdinig,sinabi ng senador na pawang kasinungalingan ang mga testimonya ni Tuazon dahil hindi naman nito masagot ang tanong ng hukuman kung magkano ang kabuuang natanggap nitong komisyon mula sa kanya.
Kanina sa pagdinig sa 5th division ng Sandiganbayan, sinabi ni Tuazon na makailang ulit siyang naghatid ng salapi sa bahay at opisina ni Estrada sa pagitan ng 2004 hanggang 2012.
Ilan aniya sa mga halagang kanyang inihatid sa senador ay 1.5 million pesos, 4.2 million pesos at 5.7 million pesos.
Ang mga naturang halaga aniya ay komisyon ni Estrada mula sa kanyang pork barrel at Special Allotment Release Order o SARO na kanyang inilaan sa JLN corporation. / Ricky Brozas
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.