Katedral ng Marawi, walang aktibidad para sa Semana Santa

Apektado pa rin ng naging bakbakan sa Marawi City ang aktibidad ng Simbahang Katolika sa lungsod para sa Semana Santa.

Ito ay matapos ianunsyo ni Marawi Bishop Edwin dela Peña na hindi magkakaroon ng mga aktibidad o serbisyo para sa Holy Week ang St. Mary’s Cathedral.

Ang St. Mary’s Cathedral ay ang ‘seat of the bishop’ ng Roman Catholic Territorial Prelature of Marawi at lubhang naapektuhan ng kaguluhang idinulot ng Maute terror group.

Ayon kay Bishop dela Peña, sobrang laki ng pinsala ang natamo ng Katedral at sa unang pagkakataon sa loob ng napakaraming taon ay ito ang unang beses na walang holy week services dito.

Gayunman, tiniyak ng Obispo na mayroong serbisyo sa iba pang mga parokya na sakop ng prelature.

Ang mga anunsyong ito ay inihayag ng church leader sa pulong balitaan na inorganisa ng Aid to the Church in Need (ACN) Philippines para sa pagpapasinaya sa isang fundraising campaign para sa Marawi.

Ka-partner ng ACN ang Prelature of Marawi para sa isasagawang rehabilitasyon at pagtulong sa libu-libong pamilyang naapektuhan ng giyera.

Matatandaang una nang inihayag ni Dela Peña na mas prayoridad ng Simbahang Katolika sa Marawi ang pangangailangan ng komunidad kaysa sa rekonstruksyon ng Katedral.

Read more...