Media coverage ng filing of COCs, kailangan ng accreditation sa Comelec
Hindi na papayagan ng Commission on Elections o COMELEC na makapagkober ang mga mamamahayag sa mga araw ng filing ng Certificate of Candidacy o COC nang walang akreditasyon.
Ayon Kay COMELEC Chairman Andres Bautista, bukas ay ilalabas ng ahensiya ang mga panuntunan o guidelines para sa media coverage ng pagsusumite ng COC ng mga kandidato mula Oktubre dose hanggang a-disi sais. Samantala, handa na umano ang Comelec para sa paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga nagnananais tumakbo sa Eleksyon 2016.
Sa punong tanggapan ng Comelec, puspusan ang ginagawang pag-aayos para matiyak na magiging organisado ang paghahain ng COC.
Sa COMELEC main office sa Palacio Del Gobernador sa Intramuros, Maynila maghahain ng kandidatura ang mga tatakbo sa pagka-pangulo, pangalawang pangulo, senador at partylist group.
Isang maliit na entablado ang itinatayo sa dulong bahagi ng unang palapag ng tanggapan ng Comelec para pagpwestuhan ng mga kandidato na magpapaunlak ng panayam sa media pagkahain ng COC.
Nilinaw naman ni Bautista na papayagan lamang ang kandidato na magsama ng hanggang tatlong kaibigan o kaanak sa paghahain ng COC.
Ang mga tagasuporta ng mga kandidato ay mananatili lamang sa labas ng Comelec, pero may wide screen umano na ikakabit sa labas ng Comelec para masaksihan din ng mga tagasuporta ang paghahain ng kandidatura ng mga pulitiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.