Game 1 ng PBA Finals, nasungkit ng Magnolia Hotshots

INQUIRER Photo

Hindi umubra ang San Miguel Beermen sa Magnolia Hotshots kahit nagtala pa ito ng 20 points na lamang sa third quarter ng kanilang Game 1 sa Finals ng PBA Philippine Cup.

Nasungkit ng Hotshots ang unang laban sa iskor na 105-103 matapos umarangkada sa 4th quarter.

Nagawa pang lumamang ng Hotshots sa iskor na 103-100 sa nalalabing 43 segundo ng laban sa pangunguna nina Mark Barroca at Ian Sangalang.

Ayon kay Magnolia Head Coach Chito Victolero na unang beses na nakapasok sa finals series, ang ‘karakter’ at pagsisikap ng kanyang mga manlalaro ang dahilan ng pagkapanalo kahit na may 20 points deficit pa sa unang bahagi ng laban.

Umaasa si Victolero na mapapanatili ng kanyang koponan ang ganitong enerhiya.

Naitala ni Sangalang ang kanyang career-high na 29 points at nine rebounds.

Samantala, ang reigning MVP naman na si June Mar Fajardo ay nagbigay ng 31 points at 18 rebounds para sa Beermen.

Dismayado si San Miguel Coach Leo Austria sa kanilang pagkatalo ngunit sinabing kakatapos lamang naman ng laban.

Anya, dapat ay matalo muna sila ng apat na beses bagong maideklarang kampeon ang Magnolia.

Ang game 2 ng best-of-seven final series na ito ay magaganap sa Linggo sa Mall of Asia Arena.

Read more...