Inakusahan ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na nililinlang ang publiko kaugnay ng bilang ng mga sumukong myembro ng New People’s Army (NPA).
Ipinahayag ng CPP na niloloko, pinagbabantaan at pinupwersa umano ng militar at namimilit ng mga tao na magpanggap bilang surrenderees ng NPA.
Nanawagan ang CPP na itigil na ito na paglabag sa karapatang pantao. Anila, nailalagay sa panganib ang buhay ng mga tao.
Dagdag ng CPP, palabas lang umano ang pakikipaghapunan ng mga sumukong rebelde kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang, at mga pagpasyal sa Luneta na ginastusan ng milyun-milyong piso.
Ipinahayag ito ng CPP makaraang ianunsyo ng AFP na mahigit 4,000 armadong myembro at tagasuporta ng NPA ang sumuko sa mga otoridad mula Enero.
Ayon sa AFP, inaasahan nilang mas marami pang komunsitang rebelde ang susuko ngayong isinisiwalat ng mga dating kasapi ang katiwalian at panlilinlang umano sa CPP.