DOJ prosecutors nadismaya sa kulang-kulang na impormasyon ng VACC at VCPI sa kasong isinampa kaugnay sa Dengvaxia
Pinagalitan ng prosecutors ng Department of Justice ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at ang Vanguard of the Philippine Constitution Inc. (VPCI) dahil sa pagsusumite ng hindi kumpletong impormasyon sa kanilang kaso kaugnay ng Dengvaxia sa clarificatory hearing ngayong araw.
Sa pangunguna ni Senior Assistant State Prosecutor Rossane Balauag, pinagsabihan ng panel of prosecutors ang mga abogado sa pangunguna ni Manuelito Luna na bagaman tinukoy nila ang 20 respondents na idinadawit sa kaso, hindi naman nila isinaad ang mga address ng mga ito.
Hiniling ng complainants sa DOJ na isama rin bilang respondents ang 20 myembro ng board of directors ng drug-maker na Sanofi Pasteur at 20 myembro ng board of directors ng distributor na Zuellig Pharma.
Gayunman, iginiit ng prosecutors na isinama dapat ng complainants ang mga pangalan at address ng mga ito.
Sinabi ni Balauag na hindi trabaho ng panel na kumolekta ng mga dokumento para sa kanila.
Ibinasura naman ng proekusyon ang hiling ng complainants na ipa-subpoena ang mga dokumento ng pitong ahensya, kabilang ang Food and Drug Administation at Department of Health para sa imbestigasyon kaugnay ng Dengvaxia.
Kalaunan, binawi rin nila ang hiling na ito dahil hawak na aniya nila ang mga dokumento.
Ayon kay Balauag, susuriin muna ng prosecutors ang mga dokumentong isinumite ng VACC at VPCI bago pagdesisyunan kung ipatatawag ang respondents.
Sinampahan ng VACC at VPCI sina dating pangulong Noynoy Aquino, dating budget secretary Butch Abad, dating Health Secretary Janette Garin at 17 iba pa ng multiple homicide at physical injuries through negligence.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.