Isa sa mga suspek sa Samal Island kidnapping nahuli na ayon kay Duterte
Kinumpirma ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na hawak na ngayon ng mga otoridad ang isa sa mga suspek sa naganap na pagdukot sa tatlong foreigner at isang Filipina sa isang resort sa Samal Island sa Davao City kamakailan.
Sa panayam kay Duterte sa kanyang pagdalo sa founding anniversary ng bayan ng Sta. Cruz sa Davao Del Sur ay kanyang sinabi na hawak na ngayon ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines ang suspek na si Pandajar Adona alias “Bandon” na nakilala sa pamamagitan ng mga kuha ng CCTV sa crime scene.
Si Adona ay positibo ring itinuro ng dalawang Japanese nationals na muntik na ring matangay ng mga kidnappers.
Inamin ni Duterte na nakipag-ugnayan siya kay Moro Islamic Lieberation Front founding Chairman Nur Misuari hingil sa pagkakakilanlan ng mga suspek sa kidnapping.
Bilang Chairman ng Southern Mindanao Peace and Order Council, inamin ni Duterte na humingi rin sa kanya ng tulong ang ilang Embassy officials mula sa Canada at Norway.
Magugunitang dinukot ng mga armadong kalalakihan sa Holidey Oceanview Resort ang mga Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall.
Kasama rin sa kinuha ng mga suspek ang Norwegian na si Kjartan Sekkingtad at Filipina na si Maritess Flor.
Bagaman hanggang ngayon ay palaisipan pa rin kung saan dinala ang mga biktima pero umaasa naman si Duterte na mas mapapadali na ang imbestigasyon sa pagkaka-aresto sa suspet na si Adona.
Inamin naman ng mga kaanak ng mga biktima na hindi pa rin nakikipag-ugnayan sa kanila ang mga abductors ng mga bihag hanggang sa kasalukuyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.