Mga pulis na nakasibilyan, inatasan ni Dela Rosa na laging magbitbit ng baril

Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald Dela Rosa ang lahat ng mga pulis na laging magdala ng baril kahit na sila ay naka-sibilyan.

Ayon kay Dela Rosa ang pagpu-pulis ay 24/7 na trabaho at hindi maaring idahilan ng mga pulis na sila ay off-duty at hindi reresponde kapag mayroong nasaksihan na krimen.

Inihalimbawa nya dito ang pulis-Maynila na off-duty pero hinabol ang isang snatcher kahit na kasama niya ang kanyang pamilya.

Paliwanag nya, hindi na kailangan ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence o PTCFOR, para magdala ng baril ang isang off-duty na pulis kahit sila ay nakasibilyan, basta’t meron silang dalang Mission Order at Memorandum Reciept.

Ang ipinagbabawal lang naman daw kasi ng batas ay ang pag-display ng baril at pagtutok nito kapag nakasibilyan ang mga pulis kaya dapat ay itago lang nila ang kanilang dalang armas.

Samantala, kanya namang nilinaw na ibang usapan na kapag may umiiral na Comelec gun ban kung saan tanging mga naka-unipormeng pulis at sundalo lang ang pwedeng magdala ng armas.

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...