Mga armas ng NPA natuklasan sa bahay ng kapitan ng barangay sa Compostela Valley
Natagpuan ang mga armas na pinaniniwalaang ginamit ng New People’s Army (NPA) sa bahay ng isang kapitan ng barangay sa Maco, Compostela Valley.
Ayon kay Lt. Col. Estevyn Ducusin, komander ng Army 71st Infantry Battalion, nadiskubre ng mga sundalo ang hindi bababa sa walong assault rifles sa bahay ni Oligario Dagohoy ng Barangay Limbo sa isang pursuit operation laban sa NPA noong Martes.
Ipinahayag ni Ducusin na bago pa man ito, nakatanggap sila ng impormasyon na mayroong mga armadong grupo sa Purok 3.
Pagkarating ng militar sa lugar, agad silang pinagbabaril ng hindi bababa sa tatlong suspek dahilan para sumiklab ang engkwentro.
Tumakas ang mga suspek na hinabol naman ng mga sundalo.
Habang tinutugis ang mga komunistang rebelde, namataan ng mga sundalo si Dagohoy na nagmamadaling itnatago ang isang sako sa manukan malapit sa kanyang bahay.
Dito na nadiskubre ang anim na M16 at dalawang AK-47 rifles.
Ayon kay Ducusin, hindi nakapagpakita ng mga dokumento si Dagohoy na magpapatunay na pag-aari niya ito.
Sinabi ng opisyal na ipinagkatiwala umano ng dating myembro ng NPA ang mga armas sa kapitan ng barangay.
Nakadetine ngayon si Dagohoy sa Maco police station.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.