Guro na binihag ng Abu Sayyaf sa Sulu, pinalaya na
Pinalaya na ng mga hinihinalang myembro ng Abu Sayyaf group ang punong guro na dinakip sa Patikul, Sulu matapos ang mahigit 12 oras.
Ayon kay Esquierido Jumadain, focal person ng Disaster Risk and Reduction Management ng Department of Education, pinakawalan si Marjorie Abdul, punong guro ng Liang Elementary School, dakong alas-11:00 kagabi.
Sinabi ni Jumadain na ito ay makaraang magbayad ng mga kamag-anak ni Abdul ng hindi tinukoy na bilang sa mga suspek.
Dinakip ng bandidong grupo si Abdul nang siya ay nasa loob ng kanyang opisina sa paaralan dakong alas-8:30 ng umaga ng Biyernes.
Ayon kay Jumadain, si Abdul na ang ikalawang tauhan ng DepEd na dinakip sa Sulu ngayong buwan.
Una nang dinakip si Sitti Dormis Hamsirano, guro ng Matatal Elementary School sa Maimbung.
Gayunman, hindi pa malaman ang lagay ni Hamsirano mula nang kunin noong March 8.
Ayon kay Jumadain, humihingi ng dalawang milyong pisong ransom ang mga suspek para sa kalayaan ng guro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.