Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Capt. Armand Balilo, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG) na maliban sa mga security at safety personnel, nakaalerto din maging ang kanilang disaster response group.
Ito ay upang matiyak ang mabilis na pagtugon sakaling may maganap na hindi inaasahang trahedya o kalamidad.
Apela naman ni Balilo sa publiko, sundin ang lahat ng guidelines at proseso na inilatag sa mga sasakyan nilang barko para makaiwas sa abala.
Pinayuhan din ni Balilo ang mga pasahero na huwag nang tangkilin o sakyan ang mga maliliit na sasakyang pandagat na kolorum o walang permit para makabiyahe.
Hiniling naman ng coast guard sa publiko na agad magsumbong sa mga otoridad kung mayroon silang makikitang paglabag sa sasakyan nilang mga barko o bangka, gaya ng pagiging overloaded o kawalan ng life jacket para sa mga pasahero.