Kawani ng AFP-JAGO huli sa extortion sa Quezon City
Arestado sa pamamagitan ng entrapment operation ang isang empleyado ng Armed Forces of the Philippines – Judge Advocate General matapos nitong kotongan ang biyuda ng namayapang miyembro ng AFP.
Nakilala ang suspek na si Luzviminda Valenzuela na kasakukuyang nanunungkulan bilang Senior Administrative Assistant sa AFP-JAGO.
Ayon sa Quezon City Police District – District Special Operations Unit (QCPD-DSOU), modus ni Valenzuela na humingi ng padulas mula sa mga naulilang asawa ng namatay na sundalo para umano mapabilis ang pagproseso sa death benefits nito.
Lumapit sa QCPD-DSOU ang isang biktima upang isumbong ang ginagawa ng suspek.
Ayon sa isang biyuda, hinihingan siya ng ₱250,000 ni Valenzuela.
Kaya naman agad na nagkasa ng entrapment operation ang mga otoridad kung saan nakatakdang makipagkita ang biktima kay Valenzuela sa isang restaurant sa Cubao, Quezon City.
Matapos iabot ang boodle money ay doon na inaresto ng mga pulis si Valenzuela.
Samantala, panawagan ng DSOU sa mga iba pang nabiktima ni Valenzuela na huwag nang mag-atubiling lumapit sa kanila upang muling sampahan ng kaso ang suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.