105 container na pinigil ng BOC, nakapuslit

 

Nasa 105 container na naglalaman ng mga ceramic tiles na nagmula sa China na una nang pinigil ng Bureau of Customs ang nakapuslit sa kustodiya ng ahensya.

Ito ang pagsisiwalat ni BOC Commissioner Isidro Lapeña na agad na ipinag-utos ang paghahanap sa mga ‘nawawalang’ mga container.

Ayon kay Lapeña, nito lamang Lunes, March 19, nadiskubre ang pagkawala ng mga kargamento na una nang isinailalim sa alert order.

Una rito, naharang ng mga tauhan ng BOC ang tangkang paglabas ng dalawa sa mga container na naglalaman ng mga tiles palabas ng Gate 3 ng Port of Manila noong Lunes.

Dito na nabunyag na may ilan nang naipuslit na kargamento mula sa Port of Manila.

Sa pinakahuling update, natagpuan na ang nasa 85 container sa isang compound sa Meycauayan, Bulacan.

Hinala ni Lapeña, bukod sa mga ceramic tiles ay posibleng naglalaman pa ng mga undeclared at undervalued goods ang mga naturang container.

Agad namang ipinag-utos ni Lapeña sa Customs Intelligence and Investigation Service o CIIS ang paglulunsad ng imbestigasyon sa insidente.

Tiniyak rin ng opisyal na may mananagot sa pagpuslit ng mga naturang kargamento.

Read more...