Puno ng panunumbat ang pahayag ni Sen JV Ejercito kay Senate President Koko Pimentel kaugnay sa pagtrato sa kanila sa usapin ng senatorial line up ng PDP Laban na isasabak sa halalan sa susunod na taon.
Apila ni Ejercito kay Pimentel na ipaglaban naman silang anim na reelectionist senators na makasama sa line-up ng administration party.
Si Pimentel ang pangulo ng PDP Laban.
Hindi na itinago ng senador ang kanyang pakiramdam na tila isinasantabi sila ng partido gayung sinusuportahan naman nila ang halos lahat ng programa ng administrasyong Duterte.
Bukod kay Ejercito, reelectionist din sina Senators Grace Poe, Sonny Angara, Bam Aquino, Cynthia Villar at Nancy Binay.
Kabilang naman sa tinaguriang “the third force” sina Ejercito, Angara, Binay Senators Win Gatchalian at Migz Zubiri.
Suportado ang kanilang grupo ng mga kapwa senador tulad nina Majority Leader Tito Sotto at Sen Ping Lacson.
Dagdag pa ng senador sa mga nangyaring caucus nilang mga senador malabo din ang mga naging pahayag ni Pimentel.
Bago pa ito, may nauna nang ibinunyag si House Speaker Pantaleon Alvarez na walong pangalan na maaring maging kandidato ng kanilang partido sa pagka-senador.
Binanggit din ni Ejercito na tila nalilimitahan lang sa mga talagang sumusuporta sa Federalism ang mga kandidato ng PDP Laban.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.