9 na ang patay sa pagbaha sa South Carolina

AFP Photo
AFP Photo

Umabot na sa siyam ang nasawi sa pagbahang nararanasan sa South Carolina, habang libo-libp ang walang kuryente at walang malinis na inuming tubig.

Ayon kay Governor Nikki Haley, nasa 26,000 na residente ang nawalan ng kuryente at aabot 40,000 ang walang access sa malinis na tubig matapos ang naranasang matinding pagbaha na itinuturing na ‘once-in-a-thousand-year’ event.

Inaasahang makapaglalagay ng water distribution points sa Columbia ngayong araw dahil hindi tiyak na ligtas ang tubig doon bunsod ng pakasira ng daluyan ng water supply sa lungsod.

Nagsusuplay na rin ng fresh water ang mga bumbero sa mga ospital sa Columbia pero ipinapayo pa ring pakuluan muna ito bago gamitin.

Ang mga eskwelahan naman ay nananatiling sarado, gayundin ang maraming tanggapan ng gobyerno at mga tindahan.

Ang pag-ulan na naranasan sa South Carolina ay nagsimula pa noong Huwebes at noong Linggo, nakaranas na ng matinding pagbaha.

Ayon sa isa sa mga residente na si Patricia Harde, nalubog sa baha ang kanilang bahay at sasakyan. Sa ngayon, si harde at kaniyang apat na anak ay pansamantalang naninirahan sa isang school-turned-shelter.

Nagdeklara na ng federal state of emergency para sa South Carolina si US President Barack Obama para sa karagdagang tulong sa nasabing US state.

Read more...