Paglalagay kay Napoles sa WPP diskarte na ni Aguirre ayon kay Pangulong Duterte
Ipinauubaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa diskarte ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang paglakagay sa Witness Protection Program (WPP) kay pork barrel scam queen Janet Lim Napoles.
Ayon sa pangulo, hindi niya panghihimasukan ang kaso ni Napoles.
Natatawang inihayag ni Pangulong Duterte na bakit ba nasabit sa isyu si Aguirre sabay sabi na bahala na ang kalihim sa usapin at kung paano nito titindigan ang isyu sa tinaguriang pork barrel queen.
Matatandaang sa press briefing sa Malakanyang iginiit ni Aguirre na handa na si Napoles na isiwalat ang lahat ng nalalaman nito sa pork barrel scam.
Ayon pa kay Aguirre hindi si Napoles ang most guilty sa krimen dahil hindi naman siya isang public official at walang direktang access sa pondo ng gobyerno.
Si Napoles ang sinasabing utak sa pork barrel scam kung saan inilipat nito sa kanyang mga bogus na non-government organization ang pondo ng mga mambabatas na dapat sana ay ipangtutulong sa mga mahihirap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.