Totoong nagkakaubusan na ng suplay ng shabu sa bansa.
Ito ang pahayag ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na “pekeng” shabu na ngayon ang kumakalat sa merkado.
Nabatid kasi na kamakailan ay may nahuling dalawang miyembro ng West African Drug Syndicate sa Cavite na nagbebenta ng 11 pakete ng shabu.
Nang mahuli sa entrapment operation at isinailalim sa laboratory test ang kanilang binebenta ay napag-alaman na dalawang pakete lang pala dito ang totoo at siyam ang pekeng shabu.
Ayon kay Chief Supt. Albert Ferro, hepe ng Drug Enforcement Unit ng PNP, masaya sila na ramdam na ang “scarcity” ng shabu sa merkado dahil sa pinagiting na kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ibig sabihin lang aniya nito na bigo na ang mga drug dealers na makapag-imbak ng shabu dahil mahigpit ang pagbabantay ng PNP sa kanilang mga lugar.
“We are happy that yung scarcity talagang nandyan. Ibig sabihin, hindi sila makapag imbak but we are not complacent kasi hindi natin alam kung kailan sila babalik at magpapadami ng paggawa ng iligal na droga.” ayon kay Ferro.
Sa datos na ibinigay ni Atty. Enrico Rigor ng PNP-DEG, pumapalo na sa P25,000 ang presyo ng kada 5 gramo ng shabu.
Mas mataas ito ng ilang libo kumpara dati na nasa P15,000 hanggang P17,000 ang presyo kada 5 gramo.
Samantala, sinabi naman ni Ferro na nakahanda ang kanilang hanay dahil hindi nila alam kung kailan ulit babalik sa merkado at muling dadami ang paggawa ng iligal na droga.