Mga lumalahok sa pasyon nababawasan na ayon sa CBCP
Nababawasan na ang bilang ng mga lumalahok sa pasyon o pabasa.
Ito ang tradisyunal na paglalahad ng pagpapakasakit ng Hesukristo na ginagawa tuwing Semana Santa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer ipinaliwanag ni Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na ang pasyon ay naging panata na ng pamilyang katoliko kung saan sila ay sama-samang nagdadasal sa pamamagitan ng pabasa o pasyon.
“Andiyan din na ang mga Katoliko ay nagkakaroon ng pasyon, panata din ito ng mga pami-pamilya, sila ay nagdadasal sa pamamgitan ng pasyon. Ang pasyon ay kasaysayan iyan ng ating kaligtasan, hango sa banal na kasulatan, isinasalawaran dito kung papaano tayo nagkamit ng kaligtasan magmula sa Old Testament papunta ng New testament. Ginagawa din ito ng mga Pilipino lalung lalo na ng mga pamilya na nasa probinsya. Dito sa Metro Manila marami din ang gumagawa niyan,” ani Secillano.
Ayon pa kay Secillano, marahil ang generation gap ang dahilan kung bakit kumakaunti na ang bilang ng mga lumalahok sa pasyon.
Ang mga kabataan kasi aniya ay tila hindi interesadong makilahok sa tradisyong ito at tanging ang mga nakatatanda na lamang ang naiiwang nagpapatuloy ng panata.
“Yun nga lang nakikita natin dito na parang kokonti na rin ang mga sumasali sa pasyon. Kasi minsan yung generation gap ang mga kabataan natin ngayon parang hindi na masyadong interesado at ang mga matatanda na lang ang naiiwan para magsadal. Pero iyong tinatawag nating Visita Iglesia, mas marami ang mga pumupunta sa mga simbahan lalong lalo na ang mga kabataan gustong-gusto nila ito” dagdag pa ni Secillano.
Maliban sa pasyon at Visita Iglesia, mahalagang bahagi ng paggunita ng Semana Santa ayon kay Secillano ang pagdalo sa mga misa, pagninilay-nilay, pagdarasal, pagsisisi sa mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoon.
Sinabi pa ni Secillano na hindi naman hinihiling ng simbahan na magpapako sa krus o saktan ang sarili para mapatawad o para ipakita ang pagsisisi sa mga kasalanan.
Ang pangungumpisal aniya ay sapat nang gawin ng isang indibidwal kung ang nais niya ay pagsisihan ang kaniyang mga pagkakamali.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.