Heidi Mendoza ng COA, inirekomenda bilang pinuno ng internal oversight office ng UN

Heidi-Mendoza
Inquirer File Photo

Inanunsyo ni United Nations Secretary General Ban Ki-moon na inirekomenda niyang maitalaga si Commission on Audit (COA) acting chief Heidi Mendoza bilang pinuno ng UN internal oversight office.

Batay sa pahayag, si Ban mismo ang nagsabi sa UN General Assembly na nais niyang italaga si Mendoza bilang bagong Undersecretary General ng Office of Internal Oversight Services.

Pormal na pag-apruba na lamang ng UN General Assembly ang hinihintay para maianunsyo ang pagtatalaga kay Mendoza.

Sakaling maaprubahan, may limang taon na non-renewable term si Mendoza para sa nasabing puwesto.

Dumaan din sa konsultasyon sa mga pinuno ng regional groups ng UN ang pagrekomenda ni Ban kay Mendoza.

Si Mendoza ay kasalukuyang acting chief ng COA matapos magretiro si dating COA Chairperson Grace Pulido-Tan noong Pebrero.

Kasalukuyan ding external auditor si Mendoza sa Food and Agriculture Organization, World Health Organization at International Labor Organization.

Papalitan ni Mendoza sa nasabing pwesto sa UN si Carmen Lapointe ng Canada na nagtapos ang termino noong buwan ng Setyembre.

Read more...