3 mangingisda patay, 13 nawawala, kabilang ang 4 na dayuhan, dahil sa Kabayan
Tatlo ang patay at may labingtatlo pang nawawala sa mahigit isang daang mangingisdang tinangay ng malakas na alon nang abutan ng bagyong Kabayan habang nasa karagatan.
Sa datos ng Philippine Coast Guard (PCG) sa 131 na mga manginngisdang naunang napaulat na nawawala, 101 na ang nailigtas, 13 ang pinaghahanap pa, 14 ang itinuturing na ‘safely arrived’ at 3 na ang kumpirmadong patay.
Isa sa mga nasawi ay kinilala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na si Quintero Artemio ng Barangay Poblacion, Infanta sa Pangasinan.
Ang nasabing mga mangingisda ay sakay ng magkakahiwalay na fishing boats at pawang mula sa Agno, Dasol, Infanta at Bolinao sa nasabing lalawigan.
Naglayag ang mga mangingisda noong September 30, kung saan isa pa lamang low pressure area at hindi pa nade-develop bilang bagyo ang Kabayan.
Nanawagan naman ang PCG sa mga malalaking sasakyang pandagat na agad ipagbigay-alam sa mga otoridad kapag may natagpuang mga mangingisda sa karagatan.
Samantala, maliban sa paghahanap sa nasabing mga mangingisda, nagsasagawa rin ng aerial search ang PCG gamit ang RPC 3885 para mahanap ang isang yate na napaulat ring nawawala sa Ilocos Norte.
Ayon kay PCG spokesperson Commander Armand Balilo may sakay umanong mga dayuhan ang nawawalang MY Europa.
Galing umano itong ng HongKong at patungo sa Vigan, Ilocos Norte. Sinasabing umiwas ang nasabing yate sa bagyong Kabayan at pagkatapos ay napaulat nang nawawala.
Lulan ng yate ang isang pinoy at apat na mga dayuhan.
Nagpalabas na rin ng Notice to Mariner at urgent marine broadcast ang PCG sa lahat ng mga sasakyang pandagat na lumalayag sa nasabing lugar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.