Inihayag ni Chinese top diplomat State Councillor Wang Yi na mas palalawigin pa ng China ang kooperasyon nito sa Pilipinas para sa joint oil and gas exploration sa kontrobersyal na South China Sea.
Ito ay matapos makapulong ni Wang si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa pagbisita nito sa Beijing mula kahapon hanggang sa Biyernes, March 23.
Sa panayam ng media matapos ang pulong kasama si Cayetano, sinabi ni Wang na ang South China Sea ay pagmumulan ng pagkakaibigan at kooperasyon ng Pilipinas at China.
Anya, mas paiigtingin pa ang maritime dialogue at kooperasyon ng dalawang bansa sa oil and gas exploration sa teritoryo.
“We will enhance maritime dialogue and pursue equal footed and friendly consultation and in a prudent and steady way advance cooperation on offshore oil and gas exploration,” ani Wang.
Sinabi naman ni Sec. Cayetano na gumagawa ng paraan ang dalawang bansa upang magtagpo sa isang legal framework na tutugon sa planong joint exploration.
Tiwala anya siya na sa naganap na pag-uusap kahapon ay makabubuo ng framework upang maresolba ang pagkakaiba ng China at Pilipinas.
Matatandaang nauna na ring iminungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang joint-exploration bilang tila using ‘co-ownership’ sa pinag-aagawang mga isla na hindi hamak anya na mas maganda kaysa pag-awayan ito.