Napoles, walang kredibilidad at puro kasinungalingan- De Lima
Walang ibang sasabihin ang tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles kundi puro kasinungalingan.
Ito ang naging pahayag ni Senadora Leila De Lima matapos matanggap si Napoles sa provisionary Witness Protection Program (WPP).
Tinawag pa ni De Lima si Napoles bilang isang ‘polluted source’ at ‘walang kredibilidad.’
Ani De Lima, nakakapagtaka kung bakit matapos makulong si Napoles ay na-acquit naman ito ng Court of Appeals sa kasong serious illegal detention.
Maging ang tatlong pinakamalalaking kliyente ni Napoles na sina dating senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla na pare-pareho na ring nakulong ay isa-isa namang pinakakawalan ng mga korte.
Ayon pa kay De Lima, sa ilalim ng nakaraang Aquino Administration ay tinitiyak nilang mayroong sapat na ebidensya ang kanilang mga kinakasuhan, kaya nga hindi masampahan ng kaso ang iba pang mga nasa tinaguriang Napoles list.
Aniya pa, maging ang mga kaalyado ni dating Pangulong Noynoy Aquino na sina Muntinlupa Representative Ruffy Biazon at Senador Joel Villanueva ay nasampahan ng kaso pero nakalalaya sa ngayon dahil bailable cases inihain laban sa kanila.
At kung ikukumpara naman sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, mismong si Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre II ang may nais na sundin ng Sandiganbayan ang kagustuhan ng Malakanyang na tila itapon ang kanilang mga hawak na ebidensya laban kay Napoles at gawin pa itong state witness.
Dagdag pa ni De Lima, tinutulungan lamang ng administrasyong Duterte si Napoles na makamit ang kalayaan upang magamit naman nila ito sa kanilang sariling agenda.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.