Hindi pinayagang makapasok sa bansa ang isang 29-anyos na lalakeng Norwegian na nakatakda sanang makipagkita sa kanyang 16-anyos na boyfriend na Pinoy.
Agad na hinarang mga tauhan ng Bureau of Immigration ang dayuhan na si Kim Vegar Kristoffersen matapos lumapag ang eroplanong sinasakyan nito sa Clark International Airport mula Dubai.
Ayon kay Immigration spokesperson Atty. Antonette Mangrobang, bumiyahe pa mula Oslo, Norway tungong Pilipinas si Kristoffersen upang makipagkita kanyang menor de edad na ‘boyfriend’ na taga-Concepcion, Tarlac.
Gayunman, lumitaw na matagal nang binabantayan ng mga Norwegian authorities ang dayuhan dahil sa pambibiktima ng mga menor de-edad gamit ang social media sites.
Lumabas rin sa record ng International Justice Mission na apat na ulit nang nakasuhan at na-convict si Kristoffersen dahil sa pangmomolestya ng mga kabataan.
Dahil dito, agad na pinabalik sa kanyang point of origin ang dayuhan at inilagay sa blacklist ng Immigration bureau.