Dating konsehal, patay sa pamamaril sa Cebu
Hindi na umabot pa nang buhay sa ospital ang isang dating konsehal ng Talisay City, Cebu matapos itong barilin ng hindi pa nakikilalang salarin.
Kinilala ang biktimang si Emil Go na dating nanungkulan bilang konsehal ng Talisay mula 2001 hanggang 2007.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, kausap ni Go ang kanyang kaibigang si Arturo Navaes sa kanyang cockpit farm nang may dumating na dalawang sasakyan.
Bumaba ang isang lalaki mula sa kotse at tinawag si Go.
Nang lumingon ito ay doon na binaril sa ulo ang biktima.
Bagaman mayroon ring baril si Go ay hindi na ito nakaganti pa ng putok.
Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang mga salarin.
Isinugod naman sa Talisay City District Hospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival.
Blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pamamaslang, maging kung sino ang mga salarin nito.
Samantala, May 2013 nang unang mabaril si Go ng retiradong pulis na si Ulyssess Desamparado matapos magkaroon ng gulo sa kanyang sabungan.
Sumuko naman ang pulis matapos ang insidente.
March 2017 naman nang maaresto ang anak ni Go na si Frederick na dating konsehal ng Barangay Bulacao dahil sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.