Nanindigan si Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi maaring basta na lamang alisin ang ipinatutupad na total deployment ban ng bansa sa pagpapadala ng mga mangggagawa sa Kuwait.
Sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs, sinabi ni Bello na kahit na mayroong inilalatag nang bilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait hindi pa rin maaring tanggalin ang ban.
Ang kailangan ayon sa kalihim ay mapanagot ang may kasalanan sa pagkamatay ng OFW na si Joanna Demefelis na inilagay sa freezer.
Gayunman, kahit aniya mabigyan ng katarungan si Demafelis ay hindi basta na lamang babawiin ang ban.
Kung magrerekomenda man aniya siya ng lifting ng deployment ban, ito’y para lang sa skilled workers at hindi sa domestic workers.
Sa ngayon, ayon kay Bello, ay inilalatag na ang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait na kailangan aniyang mahigpit na sundin ng nasabing bansa para mabigyang-proteksyon ang mga OFW.
Kapag aniya maganda at maayos ang laman ng MOU ay mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang magtutungo sa Kuwait para sa paglagda ng kasunduan pero pagkatapos pa ito ng Ramadan.