Sa kanyang talumpati sa 2018 General Assembly of the League of Municipalities of the Philippines sa Manila Hotel, sinabi ng pangulo na mismong si Department of Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge Eduardo Año ang nagsabi sa kanyang kailangang isara ang isla ng anim na buwan para maisaayos ito.
Iginiit ng pangulo na iniligay niya si Año sa pwesto kaya kahit anong maging desisyon nito ay suportado niya ito basta’t gumawa lang ng pormal na rekomendasyon.
Sakaling walang magiging problema anya ay diretso na niyang aaprubahan ito.
“Si Ano, sabi niya sa akin, “Mayor…” Kagabi sabi niya, Boracay he thinks will take a little bit longer. And I answered him. Sabi ko, “General, nandiyan ka, I place you there. Whatever is your decision, I will support you. Bahala ka. You just make the recommendation. And if I find everything that is alright and in consonance with the… derecho na.” ani Duterte.
“Sabi niya ‘It will take about something like six months.” So do it. Kayo rin naman ang nagsira ng Boracay, hindi naman kami.”, dagdag ng Pangulo.
Nauna nang inirekomenda ni Año kasama sina Tourism Secretary Wanda Teo at Environment Secretary Roy Cimatu na ipasara ang Boracay nang hindi lalagpas sa isang taon epektibo isang buwan matapos ang deklarasyon.