Naitala ang ‘record-high’ ng bilang ng mga Pilipinong masaya batay sa inilabas na resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).
Sa naturang survey, 94% ng mga Pilipino ang nagsabing sila ay “very/fairly happy.” Ito ay 4 na puntos na mas mataas sa naging resulta ng kaparehong survey noong September 2017.
92% naman ng mga Pinoy ang nagsabi na sila ay “very/fairly satisfied,” na 4 na puntos rin na mas mataas kumpara sa resulta noong September 2017.
Pinakamaraming Pilipino na nagsabing sila ay masaya ay mula sa Mindanao na mayroong 96%. Sinundan ito ng Luzon na may 95%, Visayas na may 94%, at huli ang Metro Manila na mayroon namang 90%.
Nanggaling naman sa Luzon ang may pinakamaraming satisfied na mga Pilipino matapos maitala ang 94%. Kasunod nito ang Metro Manila na mayroong 93%, Mindanao na nakapagtala naman ng 91%, at Visayas na may 89%.
Lumabas rin sa survey na 97% ang masaya sa mga nakapagtapos ng high school, 94% sa mga nakapagtapos ng kolehiyo, 92% naman sa mga nakatapos ng elementarya, at 90% sa mga hindi nakatapos ng elementarya.
Isinagawa ang survey mula December 8 hanggang 16, 2017 sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,200 na mga respondents.