Checkpoint ng Marines, tinaniman ng IED
Maagap na nadiskubre ng mga tropa ng Marine Battalion Landing Team 2 alas siyete y medya kagabi, Lunes, Oktubre 5, ang isang Improvised Explosive Device (IED) habang nagsasagawa ng checkpoint sa Airport Road, Barangay San Raymundo, Jolo, Sulu.
Ayon sa ulat ni Police Superintendent Junpikar Sitin ng Jolo Municipal Police Station, nagsasagawa ng checkpoint ang team ni Corporal Cuerto nang mapansin ang dalawang lalaking sakay ng isang XRM na motorsiklo galing sa bayan ng Jolo.
Tumigil umano ang motorsiklo mga dalampung metro mula sa checkpoint na tila nagkaaberya. Bumaba ng motorsiklo ang nakaangkas at iniwan ang isang lalagyan na naglalaman ng isang bungkos ng lansones, sabay tulak ng sasakyan hanggang makalagpas ito ng checkpoint at agad pinatakbo ang motorsiklo.
Nang suriin ng tropa ang inabandonang lansones, napansin nila ang isang electric wire at kagyat na pinaalam ito sa K9 at EODT unit ng Marines.
Alas nuwebe y beinte ng gabi tuluyang nakalas ang IED. Narekober din ang dalawang 60mm mortar ammo, isang maliit na plastic na kahon na naglalaman ng dalawang kilo ng ANFO, tatlong 9 volts na Eveready battery at isang cellphone na magsisilbing triggering device.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.