Aguirre inamin na nakausap niya sa Malacañang ang abogado ni Napoles
Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na nagkaroon sila ng pag-uusap nina Atty. Stephen David.
Si David ay abogado ng tinaguring pork barrel scam queen na si Janet Lim napoles.
Sinabi ni Aguirre na kasama sa nasabing pulong na ginanap sa Malacañang dalawang linggo na ang nakalilipas si Executive Sec. Salvador Medialdea.
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Aguirre na ito ay dahil sa humihirit si David na ilipat na sa Witness Protection Program si Napoles dahil nakahanda na itong isiwalat ang kanyang nalalaman sa pork barrel scam.
Ayon kay Aguirre, hindi niya pinaboran ang hirit ni David at sinabihan na magtungo sa Sandiganbayan at maghain ng pormal na mosyon.
Pero hindi aniya ito nagustuhan ni David at nagpasaklolo kay Medialdea.
Kinumpirma ni Aguirre, kinatigan ni Medialdea ang kanyang opinyon na dapat idaan sa Sandiganbayan ang paglilipat kay Napoles sa WPP.
Nilinaw din ni Aguirre na hindi legal advice ang kanilang ibinigay kay David sa halip ay opinyon lamang.
Hindi rin aniya maituturing na meeting ang kanilang pag uusap sa palasyo dahil napadaan lamang si David.
Idinagdag pa ni Aguirre na labas pasok o regular visitor sa palasyo si David.
Una dito ay mariing itinanggi ni Medialdea na binigyan niya ng legal advice ang abogado ni Napoles.
Agad namang nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi pakikialam ang ginawa ng Malacañang sa pork barrel scam queen kahit na nagbigay ng opinyon si Medialdea sa abogado nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.