Dahil sa pagpapalaganap ng magandang aral, ALDUB pararangalan ng simbahan
Tatanggap ng parangal mula sa Church-based social media award ang tambalang AlDub ng Kalyeserye ng Eat Bulaga.
Ibibigay ang pagkilala kina Alden Richards at Maine Mendoza sa isasagawang 4th Catholic Social Media Summit sa Sta. Rosa, Laguna na gaganapin sa October 10 at 11.
Ang Catholic Social Media Awards, ay itinatag ng CBCP Media Office at ng Areopagus Communications, Inc., na layong hikayatin ang pagkakaroon ng sense of responsibility sa mga online communicators.
Ang nasabing social media summit ay lalahukan ng daan-daang social communication ministry workers at mga kabataan.
Maliban sa trending love team na AlDub, bibigyan din ng pagkilala si Wally Bayola na gumaganap bilang si Lola Nidora sa naturang Kalyeserye.
Ayon kay Mon Bandril, miyembro ng organizing committee ng nasabing event, kumpirmado nang dadalo sina Bayola at Mendoza.
Sinabi ni Bandril na nararapat bigyang pagkilala ang AlDub at si Lola Nidora dahil sa inspiring na mensahe na ibinibigay ng mga ito araw-araw.
Partikular na tinukoy ng simbahan ang pagtuturo ng kalyeserye ng virtues, values, chivalry, modesty, morality at pagrespeto sa nakatatanda. “This is the kind [of show] that we don’t see on TV anymore,” ayon kay Bandril.
Layon din aniya ng pagbibigay parangal na hikayatin ang mga producers, directors, mga writers at actors sa entertainment industry na lumikha ng programang may kapaki-pakinabang na content at hindi pawang sa ‘entertainment’ lamang sumesentro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.