2 pulis na akusado sa pagpatay kay Carl Angelo Arnaiz at alyas Kulot, ipinalilipat sa Valenzuela City Jail

INQUIRER.net Photo

Ipinag-utos ng Caloocan Regional Trial Court ang paglipat ng kulungan ng dalawang pulis na sangkot umano sa pagpatay kina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman.

Batay sa ibinabang utos ni Branch 122 Judge Georgina Hidalgo, ililipat na sina Police Officers 1 Ricky Arquilita at Jefrey Perez sa Valenzuela City Jail.

Tinanggihan ng naturang korte ang mosyon ng dalawang pulis na manatiling makulong sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit sa Camp Bagong Diwa habang patuloy ang pagdinig sa kinakaharap na kasong murder, torture at planting of evidence.

Sa naging desisyon ng korte, sinabi ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta na pumapanig na ang hustisya para sa mga bata.

Matatandaang iniuugnay ang pagkamatay nina Arnaiz at De Guzman sa anti-drug campaign ng kasalukuyang administrasyon.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...