TIYAK na marami na namang pulitiko ang gagamit sa linyang ito na pinasikat ng pelikulang Heneral Luna, sa sandaling magsimula na ang bakbakan para sa 2016 elections.
Sasabihin ng mga ito, na isang malaking sakripisyo ang kanilang gagawing pagtakbo sa halalan.
Doon pa lang sa pagpapasya ng pagtakbo sa halalan, nagparaya na sila. Asahan ninyong marinig ang mga linyang ito, at hindi isa lang ang sasambit niyan.
Dito tayo dapat maging labis na mapanuri. May magsasabi ng totoo, kundi man ganap na katotohanan, may bahid ng katotohanan. Ngunit tiyak na mas marami ang magsisinungaling.
Hindi mahirap sukatin ang kabulaanan sa katotohanan.
Ilang tanong ang pwedeng sukatan sa kung ang kanila nga bang kandidatura ay para sa bayan o sarili lamang.
Pwedeng tanungin kung saan sila nagmula? Ano ang kanilang pinagmulan at paano sila napunta sa pulitika?
Ang buo ba nilang angkan ay nasa pulitika? Ilang taon na silang naroroon? Hindi kaya napakatagal na nilang nagsasakripisyo para sa bayan at damay ang buong pamilya?
Tsk, tsk, tsk…kawawa naman sila sa labis na sakripisyo para sa bayan. Aba’y pagpahingahin na natin sila, quota na!
Pwede ring ususain kung ano na ang nagawa nila?
Kung mambabatas sila na nagnanais na tumakbo sa mas mataas na posisyon, ano ba ang nagawa nila sa posisyong huli nilang hinawakan? Ano ang mga panukalang batas na kanilang isinulong? Ano ang naging ganap na batas? Ano sa mga batas na ito ang pinakikinabangan ng taumbayan at tunay na nagdudulot ng kabutihan sa buhay ng mamamayan? Gumanda ba ang pamamalakad halimbawa ng mga institusyon ng pamahalaan dahil sa mga batas na kanilang isinulong?
Kung ang karanasan naman ay sa pamamalakad ng lokal na pamahalaan, tignan kung ano ang mga proyektong naisakatuparan sa kanyang termino.
May mga proyekto, ang dami! Ang tanong, kailangan ba ito o pinagkagastusan lang? Pamparami lang ng proyekto. Ilang basketball court ba ang kailangan? Ilang arko ba o street signage ang kailangan sa tatlong taong termino na kadalasan diretso ng siyam na taon.
Ang totoo pala, ang kailangan ay mas maraming health related projects sa barangay. At kung nasa lokal na pamahalaan sila, sinu-sino ba ang nabigyan ng empleyo o kontrata noong sila ang nakaupo o naka-puwesto?
Kung baguhan sa posisyong nais pasukan, may dapat ding tanungin. Dapat din silang sukatin.
Hindi garantiya ang pagiging baguhan na para nga sa bayan at hindi sa sarili ang dahilan kaya sila pumuporma sa ating harapan.
Sabihin na natin na bayan at hindi sarili ang iniisip ng baguhang ito. Kumusta naman ang mga tataya at gagasta para sa kanyang kampanya? Mayroon bang tataya ng multi-milyong piso na hindi isasaalang-alang ang pansariling kapakanan? Sinu-sino ang nagbuyo? Sinu-sino ang pumusta?
Bayan o sarili?
Mauumay tayo sa mga matatamis na salita na iikot sa tanong na yan ngayong darating na halalan.
Sa huli, ang magtatakda nang kung ano ang para sa bayan ay ang malaya at marangal na sariling pasya sa oras ng mismong paghalal sa kung sino ang sa tunay na katapat-dapat hindi lamang sa salita kundi lalung-lalo na sa gawa.
Bayan o sarili–kung paano ka magpapasya, dun ka rin susukatin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.