Mga kakandidato sa Barangay at SK elections, pinaghahanda na ng Malakanyang
Pinayuhan ng Malakanyang ang mga kakandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na maghanda na para sa eleksyon sa Mayo.
Paliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque, tuloy ang eleksyon sa Mayo.
Una rito, pasado na sa third and final reading sa kamara ang pagpapaliban sa barangay at SK elections.
Ayon kay Roque, walang conforme o pag-sang ayon ang senado sa hakbang ng kamara.
Iginiit pa ni Roque na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na rin ang nagsabi na nais niyang ituloy ang barangay at SK elections sa Mayo.
“Well, nagsalita na po ang Presidente, ang desisyon po talaga, nakasalalay sa mga kamay ni Congressman Co, Congressman Batocabe at ng Kongreso. Minsan po nagsalita sa Davao ang Presidente na nais na niyang matuloy iyan, pero siyempre po, hindi Presidente po ang nagdedesisyon diyan. Pero ang balita ko po wala nga pong suporta sa Senado ang pagpapaliban ng Barangay election. So ang aking payo po sa mga nais kumandidato, maghanda po kayo, dahil habang wala pong conforme ang senado, tuloy po ang eleksyon para sa Barangay. ” ani Roque
Gayunman, nagbabala ang pangulo na maging mapagmatyag sa pangambang maluklok lamang sa puwesto ang mga kandidatong pinondohan ng mga drug lord.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.