Radical overhaul sa judicial system ipinanawagan ni Hontiveros
Magiging desperadong hakbang ng gobyerno ang pagsibak kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre para umani ng suporta sa giyera kontra droga ayon kay Senadora Risa Hontiveros.
Ipinahayag ni Hontiveros na nararapat lamang na ipanawagan ang pagbibitiw sa pwesto ni Aguirre pero gagamitin lamang umano ito ng gobyerno para makakuha ng suporta.
Ayon sa senadora, ang kinakailangan ngayon ay isang “radical overhaul” sa judicial system ng bansa para maisalba umano sa pinsalang ginawa ni Aguirre at ng madugong giyera kontra droga.
Una nang ipinanawagan ni Hontiveros ang pagbibitiw sa pwesto ni Aguirre noong nakaraang taon nang subukan umanong pahinain ng kalihim ang mga testimonya ng nga saksi ng pagkasawi ni Kian Delos Santos.
Tinawag ni Hontiveros si Aguirre na tagagawa at tagapaglaganap ng pekeng balita at mga pekeng kaso.
Ngayon aniya ay kaibigan na rin umano ang kalihim ng extrajudicial killers at drug lords.
Ipinahayag ito ng senadora sa gitna ng mga panawagang magbitiw sa pwesto si Aguirre kasunod ng pagbasura ng Department of Justice sa mga kaso ng iligal na droga, kabilang ang sa self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.