Malacañang na-wow mali sa inilabas na balita tungkol kay Duterte at Bong Go

Inquirer file photo

Maging ang News and Information Bureau na nasa ilalim ng Presidential Communications Office ay nabiktima ng impersonator ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Base sa transcript na ipinamahagi ng NIB sa Malacañang Press Corps, si Pangulong Rodrigo Duterte umano ang tumawag sa himpilan ng DZRH at nakapanayam ng mga program anchor na sina Deo Macalma at Henry Uri para batiin ang kanilang live studio guest na si Special Assistant to the President Bong Go.

Kaninang 9:21 ng umaga ang interview at alas 11:13 ng umaga ipinadala ang transcript.

Nakasaad pa sa transcript na itinaas na ni “Pangulong Duterte” ang kamay ni Go para tumakbong senador sa 2019 elections.

Laman rin ng transcript na kung hindi competent si Go sa trabaho ay hindi umano ito tatagal sa paninilbihan sa pangulo.

sinabi pa ng pangulo na “I will move heaven and earth para lamang patunayan na si Go ay taong may prinsipyo at may integridad”.

Pero base sa pahayag ni Uri, hindi si Duterte ang kanilang nakapanayam kanina kundi ang kanilang correspondent sa Naga City at impersonator na si Jun Alegre.

Tatlong buwan na aniyang regular nilang nakakapanayam si Alegre bilang impersonator ni Duterte.

Pasado ala-una ng tanghali kanina ay nagpalabas ng erratum ang NIB at sinabing impersonator lamang ng pangulo ang laman ng kanilang transcript.

Na-upload rin ang nasabing istorya sa news website ng ABS-CBN at GMA.

Read more...