Saudi Prince, makikipagpulong kay Pangulong Duterte ngayong araw
Nakatakdang makipagpulong ngayong araw si Saudi Arabian Interior Minister Prince Abdulaziz bin Saud bin Naif kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.
Ito ay sa kasagsagan ng panawagan ng gobyerno ng Pilipinas sa mga bansa tungo sa mas magandang ‘working conditions’ para sa mga manggagawang Filipino.
Matatandaang nagpatupad ng deployment ban si Duterte sa Kuwait matapos ang pagkamatay ng isang pinay worker at nagbantang maaaring palawigin pa ito sa ibang bansa na hindi itinataguyod ang kapakanan ng OFWs.
Sa courtesy call ni Prince Abdulaziz sa pangulo ay inaasahang mapag-uusapan ang ugnayan ng Maynila at Riyadh.
Gayunman, walang ibinigay na eksaktong detalye ang Malacañang sa mga paksang pag-uusapan ng dalawang lider.
Dumating sa Pilipinas si Prince Abdulaziz noong Sabado kasama ang kanyang mga kapwa interior officials.
Ang kanyang delegasyon ay sinalubong sa Villamor Airbase ng mga matataas na opisyal ng bansa kabilang sina Chief of Presidential Protocol Robert Borje, interior and local government officer-in-charge Eduardo Año at iba pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.