Manila Pavilion Hotel sa Maynila, halos 16 oras nang nasusunog

 

Halos labing-anim na oras nang nasusunog ang Waterfront Manila Pavilion Hotel and Casino sa kanto ng UN Avenue at Maria Orosa Street sa lungsod ng Maynila.

Hindi pa rin ibinababa sa Task Force Bravo ng mga kagawad ng pamatay-sunog ang alert level sa naturang gusali na nagsimulang masunog bago mag-alas diyes ng umaga, kahapon.

Pasado alas-11:00 ng Linggo nang itaas sa Task Force Bravo ang sunog.

Problema pa rin ng mga bumbero ang makapal na usok na lumalabas mula sa loob ng nasusunog na hotel.

Dahil dito, napilitan na ang mga rescue at firefighting teams na sirain ang ilang bahagi ng pader upang makalabas ang makapal at maitim na usok.

Hinihinalang nagsimula ang sunog sa casino area ng hotel kung saan may ginagawang konstruksyon sa lugar.

Hindi bababa sa labimpitong staff at guest ng hotel at casino ang nasaktan sa kanilang pagtakas sa nasusunog na gusali.

Nasa 300 guests naman ng hotel ang ligtas na nakalabas at inilipat na ng ibang hotel sa kasalukuyan.

Sa kasalukuyan, tatlo na ang naitalang patay sanhi ng sunog.

Read more...