Hinikayat ni Senate Presidente Aquilino “Koko” Pimentel III ang mga college at university administrators na ikonsidera ang pagbaba ng entrance examination fees.
Ito ay kaugnay sa mga reklamo ng mga magulang ng mga estudyante na “prohibitive” rate ng entrance exam sa mga unibersidad sa bansa.
Sa isang pahayag, may karapatan aniya ang mga estudyante na magkaroon ng opsyon na pumili ng papasukang kolehiyo ngunit kung P500 aniya ang singil kada unibersidad, magiging mahal ito.
Giit pa nito, maging ang mga malalaking unibersidad tulad ng University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay kapareho rin ang presyo ng entrance fee sa mga pribadong paaralan.
Bunsod nito, dapat aniyang magtulungan ang mga guro at ang Department of Education (DepEd) na bumuo ng aniya’y “standardized test” para sa K-12 graudates na angkop sa lahat ng tertiary education institutions.
Ito ay isang pagsusulit na maalis ang pangangasiwa ng kaniya-kaniyang entrance exams sa mga kolehiyo.
Sa kasalukuyan, mayroong National Achievement Test ang grades 6, 10 at 12.
Kung hindi aniya sapat ang naturang exam, hinikayat ng senador ang mga guro na bumuo ng pagsusulit na katulad ng Scholastic Aptitude Test (SAT) at America College Testing (ACT) sa Estados Unidos para hindi na aniya gumastos nang malaki ang mga magulang sa mga entrance exams.