Sa isang talumpati sa Baguio City, sinabi ni Robredo na nangangamba siya na baka may mga magagandang bahagi ng kasalukuyang Konstitusyon ang mawala kung rerebisahin ito ng buo.
Aniya, dapat ay gayahin na lamang ng mga mambabatas ang ginagawa sa Estados Unidos kung saan nagpapasok lamang sila ng mga bagong amendments para maging angkop sa kasalukuyang panahon.
Aniya pa, ang pagbabago ng porma ng pamahalaan ay dapat isang obhektibong proseso, ngunit sa ngayon, lumalabas na ito ay isa nang political move para sa mga mambabatas.
Paglilinaw naman ni Robredo, hindi siya kontra sa pederalismo. Aniya, nakikita niyang epektibo ito para sa mga liblib na lugar, partikular na sa Mindanao. Ngunit aniya, dapat ay bukas ang consultative committee para sa mga mayroong taliwas na opinyon dahil aniya, puro pabor sa pederalismo ang miyembro ng ConCom.
Dapat rin aniyang maipaliwanag nang maayos sa publiko ang tungkol sa pederalsimo upang masusing mapag-isipan ng bawat isa kung dapat nga ba talaga itong ipatupad sa bansa.