Nakuha na ang lahat sa sampung mga na biktima ng bumagsak na Piper PA-23 Apache aircraft sa Purok Tres, Barangay Lumang bayan Plaridel, Bulacan pasado alas-onse ng umaga kanina.
Kabilang sa na-retrieve ang limang pasahero ng eroplano at limang miyembro ng pamilya Santos at Dela Rosa ang mga residente ng bahay na pinagbagsakan nito.
Narekober rin ang mga labi ni Lola Luisa Santos, mga apo nito na sina Trish, Timothy, John Noel at nanay mga bata na si Riza Santos Dela Rosa.
Nilinaw ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na bagaman anim na pasahero ang nakalagay sa flight ng eroplano, lima lamang ang aktuwal na sakay nito dahil hindi nakasakay ang co-pilot.
Hindi pa inilalabas ng CAAP ang pangalan ng mga pasahero ng eroplano maliban sa piloto na si Capt. Ruel Meloria dahil kinukumpirma pa nila ito.
Base sa inisyal na imbestigasyon, bumagsak ang eroplano ilang sandali matapos na mag-take-off sa Plaridel Airport bago sumabit sa kable ng kuryente at nadale ang bahay ng mga biktima.
Samantala, dumating na sa lugar si Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado at kinausap na si Plaridel Mayor Jocell Aimee R. Vistan-Casaje para pag usapan ang tulong na ibibigay sa mga biktima ng aksidente.
Tiniyak ng mga opisyal ng Bulacan na kanilang sasagutin ang burol at pagpapalibing sa mga namatay sa bahay na kinabagsakan ng nag-crash na eroplano.