Inakusahan ng dating abogado ng whistleblower sa pork barrel scam ang Office of the Solicitor General at Department of Justice ng pagsasabwatan at pagbibigay ng pabor kay Janet Lim Napoles.
Kasunod ito ng paglalagay kay Napoles sa provisional coverage ng Witness Protection Program (WPP).
Ayon kay Atty. Levi Baligod, may kinalaman ito sa naunang aksyon ng Solicitor General kung saan nirekomenda nitong ipawalang bisa ang kasong “serious illegal detention” na isinampa ng whistleblower na si Benhur Luy.
Tinukoy din ni Baligod ang pagbaligtad ng Court of Appeals sa kasong isinampa laban kay Napoles.
Plano ngayon ni Baligod na maghain ng graft cases laban sa DOJ at OSG dahil sa pagpabor sa itinuturong pork barrel queen.
Sa kabila nito, kumpiyansa pa rin ang abogado na hindi makalulusot sa WPP si Napoles.
Iginiit ni Baligod na hindi kwalipikado sa WPP si Napoles kung pagbabasehan ang Republic Act 6981 or Witness Protection, Security and Benefit Act lalo’t direkta itong may kinalaman sa anumalya at hindi bilang testigo lang.