Inanunsyo ng Bureau of Customs (BOC) na limang bagong opisyal ang itinalaga bilang bahagi ng ‘major reshuffle’ upang mapaganda pa ang collection performance ng ahensya.
Sa isang pahayag ay sinabi ng BOC na si Carmelita “Mimel” Talusan na dating district collector ng Port of Subic ay magiging district collector na ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Pinalitan nito ang dating collector lawyer na si Vincent Philip Maronilla.
Samantala, ang mga abogado namang sina Ma. Liza Sebastian ng Revenue Collection Monitoring Group at Lyceo Martinez ng Compliance Monitoring Unit ay itinalagang bagong district collector ng Port of Surigao at Port of Zamboanga.
Pinalitan nina Sebastian at Martinez sina dating Surigao collector Lilibeth Mangsal at Zamboanga collector Jesus Balmores.
Si Mangsal ay ang bago nang acting deputy collector for operations ng Port of Cebu.
Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, ang mga dating kolektor ay inalis sa pwesto matapos hindi maabot ang target na koleksyon para sa buwan ng Pebrero.
Samantala, si dating NAIA Deputy Collector for Passenger Services Arsenia Ilagan naman ang itinalaga upang maging district director ng Port of Legazpi. Pinalitan niya ang dating collector at abugadong si Ma. Lourdes Mangaoang na itinalaga na ngayon sa dating pwesto ni Ilagan,
Ayon kay Lapeña, ang reassignment ni Mangaoang sa NAIA ay hindi dahil sa pangit na performance kundi upang humawak ito ng mas malaking trabaho.
Itinalaga rin bilang pinuno ng Account Management Office ng BOC si Director Jessie Cardona ng Anti-Terrorism Council Program Management Center.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.