Pagtanggap ng DOJ kay Napoles sa WPP, ikinagulat ng mga senador
Hindi makapaniwala si Senate President Koko Pimentel III sa pagtanggap ng Department of Justice (DOJ)sa negosyanteng si Janet Napoles sa Witness Protection Program.
Tanong ni Pimentel kung naniniwala ba talaga ang ilang opisyal ng DOJ na kuwalipikado ang itinuturong utak ng pork barrel scam na maging testigo sa sinasabing pagbulsa ng bilyong pisong halaga ng pondo ng ilang mambababatas.
Pinuna naman ni Sen. Bam Aquino ang DOJ sa naunang pagpapalaya sa self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa na sinundan nang pagtanggap sa WPP kay Napoles.
Paalala ng senador sa DOJ na ang kanilang mandato ay protektahan ang taumbayan at hindi ang mga drug lords at utak ng malalaking krimen.
Panawagan pa nito kay Pangulong Duterte na ayusin nito ang kanyang administrasyon sabay panawagan kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre na magbitiw na.
Samantala, hindi na rin ikinatutuwa ni Sen. Joel Villanueva ang mga nagiging kalakaran sa DOJ.
Katulad ni Aquino pinuna nito ang pagpapalaya kay Espinosa at ang pagtanggap kay Napoles bilang state witness.
Paniwala naman ni Sen. Risa Hontiveros inihahanda ng gobyerno si Napoles bilang bala laban sa mga taga oposisyon.
Puwede rin aniya na gamitin si Napoles na panakot sa mga kaalyado ng administrasyon na manatiling tapat dahil kung hindi ay maaring isama sila sa tinatawag na Napoles’ list.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.