WATCH: Lima arestado dahil sa rent-sangla scam sa Maynila

By Justinne Punsalang March 16, 2018 - 07:58 AM

Kuha ni Justinne Punsalang

Nasakote ng mga otoridad ang limang babae na sangkot sa rent-sangla scam na nag-ooperate sa Taguig City.Kinilala ang mga suspek na sina Catherine Gumarang na agent umano ng Sangla-Tira Taguig Area Group, Melanie Languido na may-ari umano ng isinasanglang bahay at mga unit, at iba pang mga kasamahan na sina Eufemia Robles, Jelyn Tolete, at Olivia Aquino.

Ayon sa isa sa mga nabiktima ni Gumarang na nagpatago lamang sa alyas na Michelle, sa pamamagitan ng advertisement sa Facebook ay nag-anunsyo si Gumarang na naghahanap siya ng gustong mag-invest sa kanyang negosyong Sangla-Tira-Collect.

Sa ilalim ng nasabing negosyo, isasangla nila ang isang unit ng apartment na maaaring tirhan o iparenta sa ibang tenant. Bilang interes ay makakakuha ng ilang porsyento ng principal ang mga kliyente at makukuha pa nila ng buo ang ibinayad na principal kapag natapos na ang kontrata.

Sa sitwasyon ni Michelle, nagbigay siya ng ₱200,000 principal at pinangakuang makakatanggap ng ₱10,500 na interes kada buwan.

Simula July 2017 ay tatlong buwan lamang siyang nakatanggap ng ipinangakong interes. Matapos nito ay pahirapan na niyang ma-contact si Gumarang.

Yun pala, mayroon din kasing ibang pinagsanglaan ng unit ang suspek.

Kwento naman ng isa pang biktimang si Jeenes, ₱150,000 naman ang kanyang ibinigay na principal noong July 2017. Aniya, isang beses lang niya natanggap ang ₱10,000 na interes noong December 2017 at hindi na ito nasundan pa.

Tila naghugas-kamay si Gumarang sa sitwasyon. Aniya, ahente lamang siya at hindi siya talaga ang responsable sa pagbibigay ng pera sa kanyang mga kliyente. Itinuro niya si Languido na siyang dapat nagreremit ng pera.

Aminado naman si Languido na hindi nga siya nakakapagbayad. Ngunit aniya, ito ay dahil hindi rin nakakapagbayad sa kanya ang kanyang mga pinapautang kaya nagagamit niya ang ibinabayad naman ng kanyang mga tenant.

Sa panayam pa ng media, napag-alaman na wala pang titulo ang isinasanglang lugar. Ito ay dahil ipinagkaloob ito ng pamahalaan bilang relocation site sa Taguig.

Dahil dito ay mahaharap ang limang mga suspek sa kasong large scale estafa at robbery extortion.

Samantala, hinimok naman ni PO2 Sonny Boy Ligsay ng Manila Police District – District Police Intelligence and Operation Unit (MPD-PIOU) ang iba pang mga nabiktima nina Gumarang at Languido na huwag mag-atubiling lumapit sa kanilang himpilan upang ireklamo ang mga suspek.

Paalala pa ni Ligsay, kilalanin muna ang taong mag-ooffer ng investment bago ito kagatin upang hindi masayang ang perang pinag-ipunan.

 

 

 

TAGS: manila, manila police, modus, rent sangla, manila, manila police, modus, rent sangla

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.