Pedestrian bridge gumuho sa Florida, ilang sibilyan at sasakyan naipit

By Jay Dones March 16, 2018 - 03:06 AM

 

Twitter/Jonathan Muñoz

Hindi pa man pormal na nabubuksan, bumagsak na ang isang bagong tayong pedestrian overpass malapit sa Florida International University, Huwebes ng hapon sa Amerika, at Byernes ng madaling-araw oras dito sa Pilipinas.

Kinumpirma ng mga otoridad na may ilang mga napaulat nang nasawi sa insidente at may ilan pang naipit sa ilalim ng gumuhong struktura.

Ilang sasakyan rin ang natabunan ng pedestrian bridge na gawa sa bakal at kongkreto.

Patuloy ang pagsusumikap ng mga rescue personnel na iligtas ang ilan pang naiipit sa ilalim ng guho.

Ang bagong pedestrian bridge na may haba na 174-talampakan at itinayo sa pagitan ng Southwest 8th street ay layong sanang makatulong sa mga estudyante ng unibersidad na ligtas na makatawid sa naturang lansangan.

Nito lamang nakaraang Sabado pormal na naitayo ang pedestrian bridge na ginastusan ng halos 20 milyong dolyar na grant mula sa US Department of Transportation at nakatakda sanang pasinayaan sa unang bahagi ng taong 2019.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.