Panukala laban sa mga dayuhang child-sex offenders inilatag sa Kamara
Sinimulan na ngayong talakayin ng House Committee on Welfare of Children na pinamumunuan ni Zamboanga del Sur Rep. Divina Grace Yu ang pagbabawal sa pagpasok ng mga child-sex offenders sa bansa.
Base sa House Bill 6257, layunin ng panukala na protektahan ang mga kabataan laban sa mga pang-aabuso at magkaroon ng gatekeeping upang hindi makapasok o makalabas sa bansa ang mga child sex offenders.
Nakasaad sa panukala ang pagbibigay ng database at impormasyon ng mga consulates, embassies, at foreign affairs divisions upang matukoy ang crime records ng mga indibidwal na sangkot sa pag-abuso sa mga kabataan.
Ang ganitong paraan ayon sa may akda ng panukala ay makatutulong upang mahuli at mapanagot ang mga nasa likod ng mga krimen ng child molestation, rape, at iba pang uri ng child abuse.
Ipagbabawal din dito ang pag-iisyu ng passport at visa documents at pagpasok o paglabas sa bansa ng mga child sex offenders maging ito man ay sumasailalim sa imbestigasyon o sa paglilitis ng korte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.