Nagpulong kanina ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural resources (DENR), Department of Tourism (DOT) at Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa planong paglilinis sa Boracay island.
Inirekomenda nina DENR Sec. Roy Cimatu, DOT Sec. Wanda Teo at Interior Sec. Eduardo Año ang complete closure ng nasabing tourists’ destination habang isinasailalim ito sa rehabilitasyon.
Ipinanukala ni Cimatu ang pagpapatupad ng one-year total clousure ng buong Boracay dahil kinakailangan umanong ayusin ang sewerage system ng buong isla.
Para kay Teo, kailangan umano ang anim na buwang pagsasara ng Boracay sa lahat ng mga turista.
Tinalakay rin sa pulong ng mga opisyal ang planong pag-aaral sa kundisyon ng mga tourists’ destinations sa Palawan, Mindoro provinces, Ilocos at Bohol para mapangalagaan ito sa pagkasira.
Sa Marso 26 ay magsusumite ang mga pinuno ng DENR, DOT at DILG ng kanilang rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Una na ring inilarawan ng pangulo ang Boracay bilang “cesspool” dahil sa pagtatapon ng dumi direkta sa dagat ng ilang mga establishimento sa lugar.