CIDG, kumpyansa na maco-convict si Kerwin Espinosa sa drug charges nito
Kumpyansa ang Philippine National Police (PNP) na mababaligtad ang desisyon ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa pagbasura nila ng drug charges ni Kerwin Espinosa at iba pang drug personalities.
Sa isinagawang press conference sa Camp Crame, tahasang sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group Chief Roel Obusan na kinu-kwestiyon niya ang pag-abswelto ng national state prosecutors sa kaso ni Espinosa.
Ito aniya ang dahilan kung bakit agad silang nagsumite ng Motion for Reconsideration upang mabaliktad ang desisyon laban dito ng DOJ.
Paliwanag nya, base sa kanilang mga naisampang kaso at mga naibigay na mga ebidensya ay naniniwala sila na may merito ang kaso laban sa tinaguriang drug lord ng Eastern Visayas.
Isa na aniya rito ang mga isiniwalat ng kanyang driver bodyguard.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Obusan kung bakit hindi naisama sa ebidensya ang testimonya ni Kerwin sa Senado na “self-confessed drug lord” ito.
Paliwanag nya, binawi rin kasi agad ni Kerwin ang pahayag nito sa State prosecutor ng DOJ noong September 2017.
Ipinagtanggol din ng opisyal ang “inconsistencies” sa testimonya ni Adorco na sinasabing kanang kamay ni Kerwin. Anya, normal lang na hindi magkatugmatugma minsan ang mga pahayag ng testigo lalo na pagdating sa petsa at lugar kung matagal na itong nangyari.
Ikinatuwa naman ni Obusan ang naging hakbang ni Justice secretary Vitallano Aguirre matapos na ipag-utos agad nito ang pagbuo ng dalawang panel na tututok pag review sa naging desisyon ng state prosecutors.
Mababatid na dahil sa kakulangan ng ebidensya at dahil sa pagiging kwestyunable ng mga pahayag ang pangunahing dahilan kung kayat na-dismiss ang kaso laban kay Espinosa, Peter Lim, Peter Co at 20 iba pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.