US President Donald Trump, sinibak sa pwesto si Secretary of State Rex Tillerson
‘I appreciate his service’.
Ito ay bahagi lamang ng panayam ng media mula kay US President Donald Trump matapos niyang tanggalin sa pwesto si Rex Tillerson bilang Secretary of State.
Ikinagulat ng marami ang pag-anunsyo ni Trump tungkol sa kanyang paninibak kay Tillerson sa pamamagitan lamang ng isang Twitter post.
Sa naturang post ay sinabi nitong si Mike Pompeo na Director ng Central Intelligence Agency (CIA) ng bansa na ang magiging bagong Secretary of State.
Bukod dito ay inihayag din ni Trump na si Gina Haspel papalit kay Pompeo sa CIA at kauna-unahang babae na hahawak sa naturang posisyon.
Sa panayam ng media ay sinabi ni Trump na isang mabuting tao si Tillerson at gusto niya ito ngunit mayroon sila anyang ‘personal differences’.
Naging maayos umano ang pagtatrabaho nilang dalawa ngunit may mga bagay silang hindi napagkasunduan at hindi sila pareho ng pag-iisip.
Samantala, iginiit ni Trump na mayroon silang parehong proseso ng pag-iisip ng bagong talaga na si Mike Pompeo at umaasa siyang magiging maaayos ang kanilang trabaho.
Ayon sa tagapagsalita ni Tillerson, nalaman lamang nito na sibak na siya sa pwesto nang makita ang tweet ni Trump.
Sa ulat ng Associated Press, napag-alamang sinabihan na pala ni White House chief of staff John Kelly si Tillerson noong nakaraang linggo na abangan ang magiging tweet ni Trump tungkol sa kanya.
Gayunman, hindi naman sinabi ni Kelly ang magiging laman ng tweet at kung kailan ito ipopost ng presidente.
Sa panayam ng media ay sinabi naman ni Tillerson na pormal siyang bababa sa kanyang pwesto sa katapusan ng buwan.
Nanawagan si Tillerson ng maayos na transition kay Pompeo at hinikayat ang mga empleyado ng State Department na manatiling naka-focus sa kanilang mga trabaho.
Mike Pompeo, Director of the CIA, will become our new Secretary of State. He will do a fantastic job! Thank you to Rex Tillerson for his service! Gina Haspel will become the new Director of the CIA, and the first woman so chosen. Congratulations to all!
— Donald J. Trump (@realDonaldTrump) March 13, 2018
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.